Cagayan De Oro – Hinostage ng isang lalaki ang isang 10-taong-gulang na bata sa isang convenience store sa Barangay Kauswagan, Cagayan de Oro, Sabado ng gabi (July 14).
Ayon sa kuwento ng clerk ng tindahan, pumasok umano ang suspek sa convenience store at humingi ng tulong dahil may humahabol daw sa kaniya.
Ilang sandali pa ay nataranta raw ang suspek at biglang nakipagbuno sa clerk. Tiyempo naman na nakita ng suspek ang bata kaya’t kinuha nito ang bata at ipinulupot sa leeg nito ang hose ng fire extinguisher ng tindahan.
Dinala ng hindi pa nakikilang suspek ang bata sa sa storage room kung saan niya nakuha ang naiwang revolver ng guwardiyang katatapos lang ng shift.
Agad namang rumesponde ang mga pulis at nakipagnegosasyon sa suspek.
Dumating ang pamilya ng suspek upang kumbinsihin ang suspek na pakawalan ang bata at sumuko sa mga pulis.
Nagpaputok ng baril ang suspek sa kalagitnaan ng negosasyon ngunit wala namang tinamaan ng bala.
Maya maya pa ay nakumbinsi ng kapatid ng suspek na pakawalan ang bata.
Ligtas na ang bata na hindi naman nagtamo ng anumang galos dahil sa insidente.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga pulis ang insidente at inaalam pa kung ang suspek ay nasa tamang pag-iisip at kung bakit ito hinahabol ng mga pulis.
Posibleng maharap ang suspek sa kasong serious illegal detention. (Remate News Team)
Video courtesy: Ralph forteza