Lalaki, niratrat sa Pasay

Lalaki, niratrat sa Pasay

August 8, 2018 @ 5:56 PM 4 years ago


 

Pasay City – Patay ang isang 29-anyos na lalaki makaraang pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang salarin habang bumibili ng softdrinks sa tindahan kahapon ng madaling araw.

Agad na namatay sa lugar ng pinangyarihan sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima na kinilalang si Leonardo Cruz a.k.a. Pakboo.

Mabilis namang tumakas ang mga hindi pa nakikilalang suspect makaraan ang insidente.

Batay sa nakalap na report ni Pasay City police chief Sr. Supt. Nelson Flores, nangyari ang insidente dakong alas-3:05 ng madaling araw sa harap ng isang sari-sari store na matatagpuan sa isang iskinita ng Barangay 65 Zone 8, Pasay City.

Bago maganap ang insidente, napag-alamang nagtungo ang biktima sa isang tindahan upang bumili ng sofdrinks nang biglang sumulpot sa madilim na bahagi ng lugar ang armadong suspect na naka-suot ng puting t-shirt at itim na short pants at walang sabi-sabing pinagbabaril ng malapitan ang biktima na agad na ikinamatay nito.

Animo’y parang walang nangyari para sa suspect nang umalis ito sa lugar na naglakad lamang sa direksyon ng Barangay 57 hanggang sa ito’y makatakas.

Sa isinagawang pagsisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District (SPD) ay narekober ang mga basyo ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa pinangyarihan ng insidente.

Patuloy ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon ng pulisya upang mabatid ang motibo ng ginawang pamamaslang kay Cruz habang ang labi ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Rizal Funeral Homes upang isailalim sa awtopsya. (James I. Catapusan)