Lalaki patay, pinagbabaril ng riding-in-tandem sa Maynila

Lalaki patay, pinagbabaril ng riding-in-tandem sa Maynila

July 16, 2018 @ 9:12 AM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Pinagbabaril ng hindi nakilalang riding-in-tandem ang isang lalaki habang minamaneho ang kanyang kotse sa Taft Avenue cor Pedro Gil, Maynila.

Inaalam pa ang pagkakilanlan ng biktima na sakay ng Subaru XBH 464 na kulay asul na isinugod sa Philippine General  Hospital (PGH) ng mga tauhan ng Philippine Red Cross ngunit idineklarang dead on arrival.

Sa panayam sa isang barangay volunteer ng Paco, Maynila na ayaw magpabanggit ng kanyang pangalan dahil sa pangamba sa kanyang seguridad, pasakay ito habang naghihintay ng pasahero  ang isang jeep patungong Manila City Hall nang makarinig ng unang dalawang putok ng di mabatid na kalibre ng baril dakong alas 8:56 ng gabi.

Bahagya  itong yumuko sa jeep dahil kabisado aniya nito ang putok na mula  sa baril .

Ilang sandali pa,  nasundan pa umano ng tatlo pang magkakasunod na putok ng baril kung saan napansing gumewang  at bumagal na ang takbo hanggang tuluyang huminto ang kotse ng biktima  sa harapan ng gas station.

Ang biktima ay patungo umano sa southbound lane ng Taft Avenue.

Matapos ang sunod-sunod na putok ay saka pinaharurot ng mga suspek ang kanilang motorsiklong MIO na kulay itim at walang plaka.

Agad namang bumaba ng jeep ang barangay volunteer at kasabay na nakitakbo sa mga tao sa lugar upang lapitan at tignan ang lagay ng biktima.

Dito napansin na bukas ang bintana ng kotse ng biktima at may dugo na sa bahagi ng kanyang ulo.

Dumating na rin ang ilang tauhan ng PRC at dinala sa ospital ang biktima habang nangalap na rin ng impormasyon ang  pulisya kaugnay sa pangyayari na maaring makatulong sa imbestigasyon. (JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN)