Lalaki patay sa frozen meat!

Lalaki patay sa frozen meat!

May 1, 2022 @ 9:27 AM 2 months ago


ISABELA – Patay ang isang lalaki matapos umanong malason sa kinain nitong frozen meat nitong Huwebes sa bayan ng Luna, Isabela.

Kinilala ang biktimang si Rexon Littaua, 25-anyos at residente ng Dadap, Luna, Isabela.

Batay sa report, Martes ng gabi inulam ng mag-anak ang frozen meat subalit makalipas ang ilang oras nakaramdam ng pananakit ng tiyan ang tatlo sa miyembro ng pamilya Littaua kasama ang biktima.

Ayon sa ina na si Simeona, kinaumagahan ng Miyerkules, hindi pa rin maampat ang pananakit ng tiyan ng mga biktima kaya itinakbo na sa ospital ang kanyang apo na menor de edad at isa pang anak.

Habang si Rexon ay tiniis na lamang ang sakit at hindi na nadala sa ospital dahil sa kakapusan sa pera.

Lumabas sa eksaminasyon ng attending physician na komunsulta sa dalawang biktima ay pagkalason ang sanhi ng kanilang pananakit ng tiyan.

Pagsapit ng araw madaling-araw ng Huwebes binawian ng buhay si Rexon habang nasa maayos na rin na kalagayan ang kapatid nito at pamangkin.

Sinabi pa ng ina na walang sakit ang kanyang anak bago mangyari ang insidente sa katunayan tumutulong pa ito sa kanya manguha ng mga pananim na gulay para maibenta sa palengke. Mary Anne Sapico