Lalaki patay sa kaaway ng ama

Lalaki patay sa kaaway ng ama

October 7, 2022 @ 4:03 PM 2 months ago


SILAY CITY – Patay ang isang lalaki matapos makasalubong at barilin ng nakaaway ng kanyang ama nitong Martes, Oktubre 4 sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Rami Castillano, 21-anyos at residente ng Sitio Cabug Barangay Guinhalaran, Silay City.

Tugis naman ng pulisya ang suspek na kinilalang si Danilo Datoon alyas Junior Alit at residente ng Barangay Kapitan Ramon, ng naturang lungsod.

Batay sa report ng Silay City Police Station, dakong 11:00 PM naganap ang krimen sa nasabing lugar.

Ayon kay Lieutenant Colonel Mark Anthony Darroca, hepe ng Silay City Police Station, bago ang krimen nag-iinuman ang ama ng biktima at kapatid nito sa labas ng kanilang bahay ng mapadaan ang suspek.

Bigla na lamang umanong kinausap ng suspek ang ama ng biktima na nauwi sa mainitang pagtatalo at natigil lamang ito ng umawat ang tiyuhin ng biktima.

Umalis ang suspek sa pag-aakalang natapos na ang usapan subalit kumuha lamang ito ng shotgun at babalikan ang ama ng biktima.

Bago pa man makarating ang suspek sa kinaroroonan ng ama ng biktima ay nakasalubong nito ang anak at walang sabi-sabing pinaputukan niya ito na tinamaan sa kili-kili.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang suspek habang nakauwi pa ang biktima sa kanilang bahay at hindi agad nadala sa ospital sa pag-aakalang hindi malala ang tinamo nitong sugat.

Pagdating sa Teresita L. Jalandoni Provincial Hospital Silay City ay nalagutan na ng hininga ang biktima sanhi ng malalim na sugat na tinamo nito sa kili-kili.

Nahaharap ngayon sa kasong homicide ang suspek. Mary Anne Sapico