Lalaki patay sa kainumang pulis

Lalaki patay sa kainumang pulis

December 9, 2022 @ 11:46 AM 2 months ago


PUERTO, Cagayan de Oro- Patay ang isang lalaki matapos barilin ng kainuman nitong pulis nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan kahapon ng hapon, Disyembre 8 sa bayang ito.

Kinilala ang biktima si Drixel Tumbaga y Abellanosa, nasa hustong gulang habang nadakip naman ang suspek na kinilalang si PSSG Junlit Raboy Lubino, nakatalaga sa Jasaan Municipal Police Station, Misamis Oriental, at kapwa residente sa Zone 3 lower Brgy Agusan, Puerto Cagayan de Oro City.

Ayon kay PMAJ Peter Tajor, Station Commander ng Police Station 6 Puerto, dakong 12:00 PM ng maganap ang krimen sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman ang biktima at suspek kasama ang isang Norberto G. Sabunot ng magkaroon ng diskusyon na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Dito, agad na binunot ng suspek ang kanyang baril at binaril sa dibdib ang biktima.

Agad naman isinugod ng mga kapitbahay ang biktima sa Puerto Community Hospital, Puerto, Cagayan de Oro City subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doctor.

Nadakip naman ang suspek ng mga rumespondeng pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen at nakuha kay Lubino ang service firearm nitong Glock 17 9mm cal. PNP 32135, 14 Live ammunition, 1 magazine at 1 fired cartridge.

Nasa kustodiya ngayon ng Police Station 6 Puerto ang suspek at posibleng maharap sa kasong pagpatay at administratibo. Mary Anne Sapico