Lalaki patay sa nakaaway sa kalsada

Lalaki patay sa nakaaway sa kalsada

January 11, 2023 @ 12:21 PM 3 weeks ago


REINA MERCEDES, Isabela– Hindi inakala ng isang lalaki na ang pakikipagtalo nito sa kalsada ang magiging sanhi ng kanyang kamatayan matapos barilin ng hindi pa kilalang suspek, kahapon, Enero 10 sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Marlon Asuncion, 41-anyos, may-asawa, driver, habang sugatan naman ang angkas nitong hindi pinangalanan at kapwa residente ng Napaccu Grande, Reina Mercedes, Isabela.

Batay sa report ng Reina Mercedes Police Station, naganap ang krimen sa national highway sa Brgy. Napaccu Pequeño.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang motorsiklo at binabaybay ang nasabing lugar ng bigla na lamang ito ng barilin ng isa sa dalawang lalaki na sakay din ng motorsiklo.

Tinamaan ang biktima sa tiyan na naging sanhi ng kanyang kamatayan haban dinala naman sa ospital ang angkas nito na nagtamo ng sugat sa katawan matapos sumemplang ang motorsiklo.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direskyon.

Kwento ng angkas ng biktima, bago ang krimen may nakaaway sila sa kalsada na naka-motorsiklo din hanggang sa sinundan sila at pagdating sa nasabing lugar ay agad silang binaril.

Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng basyo ng .45 kalibre na baril.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang hot pursuit operation ng pulisya laban sa mga suspek. Mary Anne Sapico