Lalaki patay sa P40

Lalaki patay sa P40

July 9, 2022 @ 10:58 AM 1 month ago


CEBU CITY- Hindi inakala ng isang lalaki na dahil lamang sa P40 na pusta sa sugal lupa o cara y cruz na napanalunan ng binatilyo ang magiging sanhi ng kanyang kamatayan matapos siyang pagbabarilin ng huli nitong Huwebes sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Edmund Chan Hecotibo, 34, ng Block 27, Brgy. Mabolo, Cebu City habang nadakip naman ang 16-anyos na suspek na hindi pinangalanan.

Ayon kay Police Staff Sergeant Francil Boling ng Waterfront Police Station, dakong alas-3 ng hapon naganap ang krimen sa Sitio Laray, Barangay Carreta, Cebu City.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente ang nagsusugal ang dalawa ng cara y cruz at natalo ang biktima.

Sa halip ng bayaran umano ni Hecotibo ang biktima ay pinagbantaan pa niya umano itong patayin.

Dahil dito, umuwi ng kanilang bahay ang suspek at pagbalik ay may bitbit na itong .38 caliber revolver at pinagbabaril ang biktima sa ulo at paa.

Matapos ang krimen tumakas ang suspek habang dinala naman sa ospital ang biktima pero sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hindi.

Agad naman nagsagawa ng manhunt operation ang pulisya ang nadakip ang suspek sa nasabing lugar.

Nadiskubre na kamakailan lamang ay nakatakas ang suspek sa Operation Second Chance Center sa Cebu City at may standing warrant of arrest din ito sa kasong homicide.

Inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa suspek. Mary Anne Sapico