Lalaki patay sa selos

Lalaki patay sa selos

February 19, 2023 @ 10:54 AM 1 month ago


BACOLOD CITY- PATAY ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng apat na kalalakihan dahil umano sa selos, kagabi, Pebrero 18 sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Harold John Suarez, 37 anyos, residente sa Hermilinda Subdivision, Barangay Mansilingan, Bacolod City.

Tugis naman ng pulisya ang mga suspek na kinilalang sina Matt John Espoli, Rodzel Gonzales Espoli, Mark Torres at alyas “Kalbo”, lahat ay nangungupahan sa Phase 2 Block 7 Lot 3, Charito Heights Subdivision, Barangay Granada, Bacolod City.

Ayon kay P/Capt. Francis Depasucat, hepe ng Bacolod Police Station 5, dakong 9:35 PM nang maganap ang krimen sa tapat ng isang tindahan ilang metro ang layo sa tinutuluyan ng mga suspek sa nabanggit na lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, umiinom ng alak ang biktima sa tapat ng tindahan at nakaupo ito sa kanyang motorsiklo.

Bigla na lamang dumating ang mga suspek at pinagbabaril ang biktima na tinamaan sa dibdib at ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek gamit ang Toyota Highlander sa hindi malamang direksyon.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen naabutan nila ang kinakasama ng biktima na kilala sa alyas na Joy, isang masahista.

Hinala ng pulisya posibleng matinding selos ang motibo sa pagpatay ng mga suspek sa biktima.

Inamin ni Joy sa pulisya na ang biktima ang may sangkot sa kasong illegal drugs at ito ay under probation.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up operation ng mga awtoridad naturang krimen. Mary Anne Sapico