Lalaki pugot-ulo sa suspek na may problema sa pag-iisip

Lalaki pugot-ulo sa suspek na may problema sa pag-iisip

February 10, 2023 @ 7:04 PM 2 months ago


DAVAO DE ORO – Pugot-ulo ang isang lalaki matapos tagpasin ng kanyang kalugar na may problema sa pag-iisip habang napatay din ang suspek ng mga rumespondeng pulis matapos umanong manlaban, iniulat kahapon, Pebrero 9 sa bayan ng Nabunturan.

Kinilala ang biktimang si Joel Avila, 58 anyos, magsasaka at residente ng Purok 5, Brgy. Bukal, Nabunturan, Davao de Oro.

Habang nasawi naman ang suspek na kinilalang si si Jovanie Pedere, nasa hustong gulang, magsasaka, at residente ng Purok 14, Camanlangan, New Bataan, Davao de Oro.

Batay sa report ng Nabunturan Municipal Police station, naganap ang krimen sa may ilog ilang metro ang layo sa tahanan ng biktima.

Ayon sa pulisya, nagtungo sa kanilang himpilan ang anak ng biktima na si Jovelyn Avila sa hinggil sa pananaga ng suspek sa kanyang ama.

Kwento ni Jovelyn, nakita na lamang nila ang kanyang ama na wala ng ulo at inilagay ito sa sako ng suspek.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa nasabing lugar naabutan nila ang suspek at sa halip na sumuko sa mga pulis ay nanlaban ito.

Napilitan gumanti ang mga operatiba na nagresulta ng agaran kamatayan ng suspek.

Napag-alaman na may problema sa pag-iisip ang suspek at kapag sinusumpong ito ay nagiging bayolente.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico