Lalaki tiklo sa pagbibitbit ng granada, replica pistol

Lalaki tiklo sa pagbibitbit ng granada, replica pistol

May 17, 2022 @ 7:45 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Arestado ang isang lalaki dahil sa pagbibitbit ng granada at replica pistol sa Pasig City.

Ayon kay Eastern Police District Director Police Brigadier General Orlando Yebra, kinilala ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang 33-anyos na suspek na si Jezreel Bierra.

Nadakip ang suspek sa isinagawang follow-up operation sa nangyaring hold-up incident noong Mayo 15 sa Barangay Kapitolyo.

Namataan ng mga pulis si Bierra na naglalakad sa bahagi ng Farmers Avenue sa Barangay Manilao na may nakasukbit na pistol sa kanyang bewang.

Nilapitan siya ng mga pulis at nang tanungin ay bigo itong makapagpakita ng kaukulang dokumento para sa dala niyang baril.

Samantala, narekober din sa sling bag ni Bierra ang isang hand grenade na agad naman nilang itinurn over sa Explosive Ordnance Disposal para sa proper disposition.

Sinampahan na ang suspek ng kasong paglabag sa Illegal Possession of a Hand Grenade and Handgun (Replica) at paglabag sa Omnibus Election Code. RNT/ JCM