Lalaki tinodas ng senglot na biyenan

Lalaki tinodas ng senglot na biyenan

May 8, 2022 @ 1:47 PM 2 months ago


ISABELA – Halos sabog ang mukha ng isang mister matapos pagbabarilin ng kanyang biyanan na nasa impluwensya ng alak habang may pagdiriwang ng kaarawan sa Benguet, Echague.

Kinilala ni Police Major Michael Esteban, hepe ng Echague Police Station ang biktima ay si Marlon Dacumos, 43-anyos, may-asawa habang ang pinaghihinalaan ay si Pepito Damitan, 69-anyos, biyudo at kapwa residente ng naturang lugar.

Una rito, nagkaroon ng pagdiriwang ng kaarawan sa bahay ng pinaghihinalaan at habang masayang nag-iinuman ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo.

Sinaway umano ng pinaghihinalaan ang biktima upang matigil na ang kaguluhan na ikinagalit ni Dacumos na kumuha ng patalim saka hinabol si Damitan.

Dahil dito agad na kinuha ni Damitan ang kanyang converted caliber 22 na baril at pinaputukan na halos sabog sa mukha si Dacumos na sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Matapos ang insidente ay agad na sumuko ang pinaghihinalaan sa mga kapulisan. Rey Velasco