Lalaki tutol maging bayaw, namaril

Lalaki tutol maging bayaw, namaril

January 25, 2023 @ 3:17 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Dahil sa ayaw umanong maging bayaw, binaril at napatay ang isang Online Seller ng kanyang “hilaw” na bayaw habang pababa sa sinakyang tricycle sa Brgy Bagtas Tanza, Cavite.

Ayon sa nakalap na report kinilala ang biktima na si Ronan Clyde Angeles, nasa hustong gulang, isang online seller at residente ng Brgy. Bagtas, ng nasabing bayan.

Arestado naman sa isinagawang follow up operation ang suspek na si Gemmenel Tating, isang watch technician ng Brgy. Luciano, Trece Martires City, Cavite.

Base sa ulat ni PSSgt Jonathan Lagario ng Tanza MPS dakong alas-10:50 ng gabi nang maganap ang insidente sa Pabahay 2000, Brgy. Bagtas, kung saan pababa mula sa sinakyang tricycle ang biktima nang lapitan siya ng suspek at kaagad ay binarl ito ng dalawang beses na nagresulta sa agarang kamatayan ng biktima.

Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek sa kanyang motorsiklo.

Mabilis namang naaresto ang suspek sa isinagawang dragnet operation, kung saan nagtago ito sa Brgy. Luciano, Trece Martires City.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, boyfriend umano ng biktima ang kapatid na babae ng suspek at tutol umano ang suspek sa biktima na maging parte ng kanilang pamilya kung kaya ito umano ang dahilan kung bakit binaril ng suspek ang binata. Margie Bautista