Lalaking istokwa, kinatay saka ibinalot sa bed sheet

Lalaking istokwa, kinatay saka ibinalot sa bed sheet

December 4, 2022 @ 10:33 AM 2 months ago


NUMANCIA, Aklan- Nanlumo ang pamilya ng isang lalaki na naglayas sa kanilang bahay sa Iloilo makaraan matagpuan ang bangkay nito sa kanal na tadtad ng saksak at may tama ng baril na ibinalot sa bed sheet noong Biyernes, Disyembre 2 sa bayang ito.

Personal na kinilala ng kanyang ina at anak ang biktimang si Jack ‘Toto’ Mererague, 41-anyos at tubong Miag-ao, Iloilo City.

Batay sa report ng Numancia-PNP, natagpuan ang bangkay ng biktima na nakabalot ng bedsheet sa may kanal na sakop ng Brgy. Albasan, Numancia, Aklan.

Narekober sa bangkay ng biktima ang sling bag na naglalaman ng kanyang voter’s identification card, susi ng motor at P6,000.00.

Sa isinagawang post mortem sa bangkay ng biktima nakitaan ito ng walong saksak sa katawan gamit ang ice pick at may tama rin ng bala ng baril na 9mm.

Samantala, ang motorsiklong natagpuan sa Brgy. Tigayon, Kalibo, Aklan kahapon ay nag-match ang susi na natagpuan sa bag ng biktima.

Kwento ng ina, 2019 pa ng umalis sa kanilang bahay ang anak (biktima) at hindi na ito muling pang nagpakita kung saan may anak siyang kambal habang ang asawa nito ay nagtatrabaho bilang OFW sa Hongkong.

Nagsasagawa na ng follow-up investigation ng pulisya para alamin ang tunay na motibo sa krimen. Mary Anne Sapico