Lalaking nag-amok at nang-hostage ng bata, patay sa rumespondeng pulis

Lalaking nag-amok at nang-hostage ng bata, patay sa rumespondeng pulis

October 11, 2018 @ 3:16 PM 4 years ago


 

Tarlac City – Isang 40-anyos na lalaki ang napatay ng pulisya makaraang mag-amok ito sa Barangay San Roque, Tarlac City araw ng Miyerkules.

Hindi na umabot ng buhay habang isinusugod sa ospital si Geffrey Orpilla bunsod ng pagkakabaril sa kanya ng mga awtoridad.

Batay sa report na ipinadala kay Police Supt. Joel Mendoza, chief of police ng Tarlac City, bigla na lamang umanong nang-agaw ng itak mula sa tindero ng buko ang suspek bago hinabol ng taga ang mga taong naglalakad sa bangketa sa tapat ng isang mall.

Nakita umano ng suspek ang 3 taong gulang na lalaki at agad hinablot ito mula sa pagkakakarga sa kanya ng ama.

Mabilis namang nakapagresponde sa lugar si PO2 Jaypee Cunanan na agad nakapagnegosasyon sa suspek para pakawalan nito ang hinostage na bata.

Subalit inatake ni Orpilla ang pulis na dahilan para paputukan niya ito.

Sinabi ni Mendoza na hindi taga-Tarlac City ang suspek na tumitira sa bayan ng Victoria at napadpad lamang ito sa lugar dahil sa umano’y may nagtatangka sa kanyang buhay roon. (Jeff Gallos)