Lalaking nag-amok nakunan ng baril, shabu sa Caloocan

Lalaking nag-amok nakunan ng baril, shabu sa Caloocan

June 8, 2022 @ 4:11 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Swak sa kulungan ang isang hinihinalang tulak ng iligal na droga matapos makuhanan ng baril at mahigit P300,000 halaga ng shabu makaraang magwala sa Caloocan City.

Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr. ang naarestong suspek na si Bengie Ortiquisa, 39-ansyo na residente ng Barangay 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod.

Ayon kay Col. Mina, isang concerned citizen ang nagtungo sa opisina ng Caloocan Police Sub-Station 12 at inireport ang hinggil sa isang lalaki na nagwawala habang may bitbit umanong baril sa nasabing lugar.

Kaagad rumesponde sa nasabing lugar dakong alas-6:30 ng umaga ang mga tauhan ng SS-12 sa pangunguna ni PLT Ronald Allan Soriano, kasama ang intel operatives sa pangunguna ni P/Major John David Chua kung saan nakita nila ang suspek na nagwawala.

Sa puntong iyon, nang mapansin ng suspek ang presensya ng mga pulis ay agad itong naglabas ng baril saka tumakbo subalit, hinabol siya ng mga arresting officer hanggang sa makorner at maaresto.

Nang kapkapan, narekober sa suspek ang isang cal. 38 revolver na kargado ng dalawang bala, cellphone pouch at isang knot tied transparent plastic sachet na naglalaman ng nasa 50 grams ng hihinalang shabu na may standard drug price P340,000.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Art 151 and 155 of RPC, RA 10591 at RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. R.A Marquez