Lalaking nagbibisikleta, patay sa lumipad na kotse

Lalaking nagbibisikleta, patay sa lumipad na kotse

May 16, 2022 @ 10:52 AM 2 months ago


KALIBO, Aklan- PATAY ang isang lalaki matapos itong mahagip ng humaharurot na kotse sakay ng kanyang bisekleta Linggo sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Robert Maigue, 59 anyos ng Caano, Kalibo habang nadakip naman ang suspek na kinilalang si Rodney Hinolan, 40 anyos ng Poblacion, Kalibo.

Batay sa report ng Kalibo Police Station, dakong 5:00 PM naganap ang insidente sa Caano, Kalibo.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente galing Pook Kalibo ang suspek at una nitong nabangga ang motorsiklo na sakay sina Genebert Redo, 48 anyos, driver ng motorsiklo, at anak nitong si Sheila Mae Redo, 20 anyos, at pamangkin nitong si Jezabel Francisco, 19 anyos, lahat residente ng Cawayan, New Washington, Aklan.

Sa halip na tulungan ng suspek ang sumemplang na motorsiklo na ikinasugat ng mga biktima, mabilis itong humarurot patakas hanggang sa mabangga ang kasalubong na bisikleta.

Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan si Maigue na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang insidente tumakas ang suspek subalit naaresto rin ng mga rumespondeng pulis.

Sa himpilan ng pulisya, nagkasundo ang kaanak ng mga biktima na hindi magsasampa ng kaso laban sa suspek katumbas na sasagutin ang lahat ng danyos./Mary Anne Sapico