Lalaking nangholdap ng SK Chairman, kalaboso

Lalaking nangholdap ng SK Chairman, kalaboso

February 5, 2023 @ 4:28 PM 2 months ago


Bulacan – Arestado ang 31 anyos na lalaking nangholdap sa isang SK Chairman matapos rumesponde ang nagpapatrulyang pulis sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang suspek na si Michael Flores, residente ng Brgy. Bagong Buhay 2 habang itago sa pangalang  “JC” ang biktimang SK Chairman, residente ng Bagong Buhay 3.

Sa report ni SJDM, OIC, PLt. Col. Ronaldo Lumactod Jr, nangyari ang insidente bandang alas-10 ng gabi nitong Pebrero 4 sa Rancho Bawang, Bagong Buhay 3.

Ayon sa imbestigasyon, pauwi ang biktima nang harangin at tutukan ng kutsilyo ng suspek, sabay nagdeklara ng holdap.

Puwersahang kinuha ang wallet ng SK Chairman hanggang sa tumakbo ito palayo sa lugar.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, may nakitang nagpapatrulyang pulis ang biktima na agad niyang hiningan ng saklolo  kaya nahuli kalaunan ang suspek sa di-kalayuan.

Narekober ng mga pulis ang nakuhang pitakang may lamang P1,000 at mga ID sa suspek na nahaharap sa kasong Robbery habang nakakulong sa naturang istasyon. Dick Mirasol III