Lalaking sintunado, pinagbabaril ng kapitbahay

Lalaking sintunado, pinagbabaril ng kapitbahay

May 6, 2022 @ 1:15 PM 2 months ago


NAGA CITY- Hindi inakala ng isang lalaki na ang sintunado nitong boses ang malalagay sa kanyang buhay sa alanganin matapos pagbabarilin ng kapitbahay habang nagvi-videoke, Martes, sa lungsod na ito.

Patuloy na inoobserhaban sa ospital ang biktimang si Si Jerome Amit Padillo, 31, habang nadakip naman ang suspek na kinilalang si Jeffrey Repollo Saladaga, 26, telco technician at kapwa residente sa Purok Kamunggay, Teeners, Brgy. Tuyan, Naga City, southern Cebu.

Batay sa report ng Naga City PNP, dakong alas-10:20 ng gabi naganap ang insidente sa labas ng bahay ng pamilya Padillo.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nagkakantahan ang biktima at kaanak nito ng bigla na lamang silang sugurin ng suspek at pinagbabaril si Padillo sa iba’t ibang parte ng katawan.

Agad namang dinala sa ospital ang biktima para lapatan ng lunas habang nadakip ang suspek ng mga rumespondeng pulis.

Depensa ng suspek, sinabihan na niya ang biktima na masyadong maingay ang videoke nila at pinahihinaan ito dahil matutulog na sila.

Sa halip umano na hinaan ng suspek lalo pa siyang nag-asar at nilakasan ang videoke saka nagpaparinig sa mikropono at kumantang sintonadong pang-asar.

Ayon sa pulisya, matagal nang may alitan ang pamilya ng suspek at biktima dahil sa lupa hanggang sa nagpang-abot ang mga ito.

Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek. Mary Anne Sapico