Lalaking tumawid sa Edsa busway, sapul ng bus

Lalaking tumawid sa Edsa busway, sapul ng bus

November 3, 2022 @ 10:00 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nahagip ng bus ang isang lalaki nang tumawid sa southbound lane ng EDSA sa Balintawak, at lumiban pa sa concrete barrier ng bus carousel.

Batay sa ulat, nasira ang kanang bahagi ng windshield sa lakas ng salpok.

“Hindi ko na po napansin kung ano po yung tumama dito sa kanya. ‘Yun po ang pagkaalam ko. Hindi ko po talaga alam kung ano po ang parating tumama po dito, nabasag yung windshield,” ayon sa bus driver na si Noel Genita.

“Nabulaga po ako sa tao bigla pong tumalon dito, tumawid galing dito. Alam naman po natin na bawal tumawid dito. Nagulat po ako biglang sumulpot,” dagdag niya.

May malay ang biktima nang dalhin sa Quezon City General Hospital.

Hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng biktima dahil wala pang kaanak na nakikipag-ugnayan sa mga pulis.

“Lahat po sana ng taong tumatawid, sumusunod po sa batas ng tamang tawiran o tamang daanan ng tao para sana po maiwasan ang ganitong problema. Hindi ko po sinasadya ang pangyayari po, humihingi po ako ng dispensa,” ani Genita.

“Kung magrereklamo po yung kanyang nasagasaan o nabunggo, may chance po na siya ay makulong. Ang isasampa po nating kaso ay reckless imprudence  resulting in physical injury,” pahayag naman ni Police Corporal Femertz Paderan, traffic investigator sa Quezon City. RNT/SA