Lalamove kinondena ni Hontiveros sa pagkamatay ng delivery rider

Lalamove kinondena ni Hontiveros sa pagkamatay ng delivery rider

November 8, 2022 @ 5:28 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Kahit tinanggap ni Senador Risa Hontiveros ang pakikipag-ugnayan ng Lalamove sa pamilya ng delivery rider na namatay habang naghihintay ng order, matinding kinondena naman ng mambabatas ang kompanya sa kawalan ng awa sa buhay ng biktima.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Hontiveros na magandang balita na nakikipag-ugnayan ang Lalamove sa naulila n I Noel Escote na namatay habang sakay ng kanyang motorsiklo kamakailan.

Ngunit, ayon sa mambabatas, may ilang puntong na dapat mabigyang-pansin sa pangyayari taliwas sa pananaw ng Lalamove na “namatay ang biktima nang hindi nagdedeliver ng produkto.”

Aniya, “adding insult to injury” ang pahayag ng Lalamove na “not fulfilling orders on the day of the incident”.

“On the day he tragically lost his life, Mr. Escote opted to ride his motorcycle to work, even on a holiday, and waited for someone to book his service as a Lalamove rider. Bahagi ng trabaho ng delivery riders ang paghihintay ng order, hindi lang pagsasakatuparang ma-deliver ang order,” giit ni Hontiveros.

Ayon sa mambabatas na isa pang mahalagang punto na natagpuan ang biktima sa kanyang motorsiklo na itinuturing na workplace ng ating batas.

“Isa pang mahalagang punto, hindi ba’t natagpuan siya sa kanyang motorsiklo? Hindi ba’t “workplace” ang kanyang motorsiklo? Hindi ba’t kapag namatay ang isang empleyado sa workplace, considered work-related ang pagkamatay?.” Ani Hontiveros.

Dahil dito, sinabi ni Hontiveros na kailangan nang magkaroon ng patakaran at legal na rehimen para proteksiyunan ang gig economy workers upang maiwasan ang pang-aabuso at malinawan ang ganitong pagkukulang.

“Binawian ng buhay si Noel na nagtataguyod sa kanyang pamilya at sa kumpanyang itinuring niyang makakatuwang sa buhay. Sana sa huling pagkakataon ay mabigyan naman ng dignidad ang kanyang sakripisyo at dedikasyon sa trabaho,” ani Hontiveros. Ernie Reyes