Lalamove rider nangulila sa kinakasama, nagpatiwakal!

Lalamove rider nangulila sa kinakasama, nagpatiwakal!

June 24, 2022 @ 2:42 PM 6 days ago


MANILA, Philippines- Winakasan ng isang Lalamove rider ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili dahil sa labis umanong pangungulila sa kanyang kinakasama na nagtatrabaho sa ibang bansa sa Navotas City, kamakalawa ng madaling araw.

Isinugod pa ng pamangkin ng kanyang kinakasama at mga kaibigan ang 46-anyos na biktimang hindi na binanggit ang pangalan sa Navotas City Hospital subalit, idineklara itong dead-on-arrival.

Sa imbestigasyon ni Navotas police homicide section P/Cpl. Dandy Sargento, tinawagan ng kinakasama ng biktima na nagtatrabaho sa Japan ang kanyang 30-anyos na pamangking si Dianne Dizon dakong ala-1:20 ng madaling araw upang ipabatid na nagbabanta ang biktima na magpapakamatay habang sila’y nag-uusap sa cellular phone.

Kaagad na nagtungo si Dizon sa tinutuluyang apartment ng biktima sa Lola Martha St. Brgy. Daanghari at sa labas pa lamang ay nasilip na nila ng kanyang mga kaibigan sa bintana ang nakabiting katawan ng live-in partner ng kanyang tiyahin sa hagdanan ng dalawang palapag na tirahan.

Sapilitang pumasok sa apartment si Dizon at mga kaibigan at mabilis nilang pinatid ang nylon cord na nakapulot sa leeg ng biktima bago isinugod sa pinakamalapit na pagamutan.

Nakausap naman ni Cpl. Sargento ang kinakasama ng biktima at sinabing nagkaroon sila ng hindi pagkakaintindihan ng ka-live-in hanggang sa magbanta umano ang lalaki na magpapakamatay. Boysan Buenaventura