Lanao del Sur gov, sugatan; 4 patay sa pananambang 

Lanao del Sur gov, sugatan; 4 patay sa pananambang 

February 18, 2023 @ 9:00 AM 1 month ago


CAGAYAN DE ORO CITY – Pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang gunmen nitong Biyernes ang convoy ni Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto-Adiong Jr., kung saan nagtamo siya ng sugat at napatay ang apat niyang kasamahan.

Batay sa inisyal na ulat ng Kalilangan municipal police station sa lalawigan ng Bukidnon, naganap ang insidente sa bayan ng Maguing,sa Lanao del Sur bandang alas-4 ng hapon.

Dumaraan ang convoy ni Adiong sa lugar patungo sa bayan ng Wao, na nasa Lanao del Sur din, nang sila ay harangin.

Tatlo sa apat na nasawi ay kinilalang sina Juraij Adiong, Aga Sumandar, at Jalil Cosain.

Nagtamo naman ng sugat si Adiong at isa niyang staff, si Ali Macapado Tabao, na agad na dinala sa pinakamalapit na provincial hospital saa bayan ng Kalilangan.

Samantala, naging matagumpay ang operasyon kay Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr. upang alisin ang bala na tumama sa kanya sa nasabing pananambang, ayon kay 1st District Zia Alonto Adiong nitong Sabado.

“He’s out of danger, thank God. Kasi ‘yun ang fear ng family noong nabalitaan ‘yung nangyari,” pahayag ni Adiong.

“He underwent surgery para alisin ‘yung bala… Medyo malalim. Buti hindi fatal, walang natamaan na organs. Successful naman ang surgery,” dagdag niya.

Ani Rep. Adiong, nagpapagaling ang gobernador sa intensive care unit ng ospital.

“Nakakapagtaka… There was nothing out of the ordinary yesterday na nakikita namin na puwedeng maging reason na under threat siya,” ani Rep. Adiong.

Idinagdag niya na walang nabanggit na pagbabanta sa kanyang buhay ang gobernador noon.

“Na-surprise lahat… Wala kaming alam na kaaway niya,” ani Rep. Adiong.

“We’re looking at every possible motives. We cannot discount politics kasi nga itong nangyari kahapon talagang inabangan eh. Meron talagang intention to make an attempt on his life,” patuloy niya.

Inihayag ni Rep. Adiong na ito ang unang pagkakataon na pinagtangkaan ang buhay ng isang gobernador sa Lanao del Sur.

“Sa amin, it’s the first time in the history of Lanao del Sur na meron talagang actual attempt on the life of a sitting governor. Hindi ‘yan nangyayari usually sa amin. It never happened,” pahayag niya.

“Wala pang nag-attempt sa buhay niya. Although may mga ano of course in politics we have to have adversaries pero hindi umabot sa point na someone made a threat on his life or his family,” sabi ni Rep. Adiong.

“We are waiting for the investigators, the authorities, to come up  with the result of their investigation,” dagdag niya.

Sinabi ni Rep. Adiong na ikakasa magpupulong ang mga alkalde ngayong Sabado para kondenahin ang pagtatangka sa buhay ng gobernador. Makikipagpulong din sila sa mga awtoridad para sa imbestigasyon sa aksidente. RNT/SA