Lanao journo slay kinondena ng Malakanyang; hustisya sinigurado

Lanao journo slay kinondena ng Malakanyang; hustisya sinigurado

March 19, 2022 @ 9:12 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Mariing kinondena ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang pagpatay sa isang community radio broadcaster sa bayan ng Bacolod, Lanao del Norte.

Sinabi ni PTFoMS executive director at Undersecretary Joel Sy Egco, hayagang binabatikos ng pamahalaan ang pagpatay kay Audrey Gaid Estrada, 59, commentator ng 101.3 Grace Covenant FM ng Bacolod radio station.

“The government condemns in the strongest possible terms the killing of radio broadcaster Audrey Estrada,” ayon kay Egco.

“We send our deepest condolences to the family, loved ones, and colleagues of Ms. Estrada.  Rest assured that this government will not rest until the perpetrator of this heinous crime is brought to justice,” dagdag na pahayag nito.

Tiniyak naman ni Egco, sa mga kamag-anak ng biktima na nakipag-ugnayan at nakikipag-usap na sila sa Bacolod Municipal Police Station (MPS) at Philippine National Police (PNP) Media Security Vanguard para sa masusing imbestigasyon ng nasabing insidente.

Nauna rito, inutos ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Dionardo Carlos sa Lanao del Norte Police Provincial Office na magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa kaso ng pagpatay sa isang community radio broadcaster sa bayan ng Bacolod, Lanao del Norte.

Sa ulat, natagpuang patay sa ikawalang palapag ng kanyang bahay ng mga pulis na rumesponde sa tawag tungkol sa nangyaring insidente ng pananaksak kay Estrada.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, nagtamo ng 15 saksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Narekober din ng mga pulis ang isang 13-inch kitchen knife sa unang palapag ng bahay.

Ayon kay Carlos, masyado pang maaga para sabihin na may kinalaman ang krimen sa kanyang trabaho bilang broadcaster, subalit hindi ito isinasantabi ng PNP dahil karamihan sa mga nabiktima sa nakaraan ay mga radio commentators. Kris Jose