Land grabbing sa Palawan, iba pang lugar talupan-Tulfo

Land grabbing sa Palawan, iba pang lugar talupan-Tulfo

September 9, 2022 @ 9:03 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Naalarma si Senator Idol Raffy Tulfo sa talamak na land grabbing sa ari-arian ng magsasaka sa Palawan kabilang sa iba pang probinsya sa bansa kaya’t nararapat nang magkasa ng malalim na imbestigasyon.

Sa pahayag, sinabi ni Tulfo na napapanahon ang imbestigasyon sa isyu upang mapanagot ang sinumang gahaman na nagsasamantala sa kahirapan ng magsasaka sa pagkamkam ng kanilang lupain.

“Iyon pong pang-aagaw sa mga lupain ng mga farmers has been going on for quite some time. Very rampant po itong nangyayari ngayon sa Palawan, at ang nasa likod po nito ay mga influential personalities,” ani Tulfo.

“Pero hindi lamang po ito sa Palawan nangyayari kundi pati na rin sa buong Pilipinas. Yung maliliit nating farmers inaagawan po ng mga lupain ng mga maiimpluwensiyang tao dahil alam nilang walang panlaban itong mga pobreng farmers,” dagdag niya.

Ayon kay Tulfo, marami siyang natatanggap na reklamo mula sa ilang magsasaka na nagsasabin na illegal na kinukuha ang kanilang mga lupain.

Ibinunyag din ni Tulfo ang taktika ng mga maimpluwensyang tao na nambibiktima ng magsasaka.

“Ang modus po nitong influential people in Palawan, lalapitan po nila itong maliliit na farmers na naghihikahos at mayroong pangangailangan, at kukumbinsihing isangla ang lupa sa kanila,” ani Tulfo.

“Kapag naisangla na ang lupa sa kanila, papalitan na ng mga mapansamantalang taong ito ang titulo sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa Land Registration Authority. And by the time na mayroon ng perang pangtubos ng lupa ang mga farmers, hindi na nila matutubos yung titulo dahil in most cases, mayroon ng private army na nakaharang sa lupa,” dagdag niya.

Kung maiimbestigahan ang isyu sa Senado, sinabi ni Sen. Idol na handa siyang magsalita at imbitahin ang mga personalidad na diumano’y may pakana ng laganap na land grabbing. Ernie Reyes