Lantaran, maagang pagbebenta ng ipinagbabawal na paputok ikinabahala

Lantaran, maagang pagbebenta ng ipinagbabawal na paputok ikinabahala

November 18, 2022 @ 6:42 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nababahala ang isang toxic watchdog group dahil sa lantaran at maagang pagbebenta ng ipinagbabawal na paputok ngayong nalalapit na ang selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon.

Kasabay nito nanawagan ang grupo kay PNP Chief P/Gen.Roldofo S.Azurin Jr., na magsagawa ng on-site inspection at kumpiskahin ang mga ipnagbabawal na paputok sa merkado.

Ayon sa news release ng BAN Toxics, bilang bahagi ng kanilang toxics-free at waste-free holiday celebration campaign, nagsagawa sila ng monitoring sa Divisoria sa Maynila kung saan ibinibenta ang apat na klase ng firecrackers sa halagang P120 bawat piraso.

Kabilang rito ang Five Star, Whistle Bomb, Giant Bawang at Happy Ball.

“The manufacture, sale, distribution and use of other types of firecrackers and pyrotechnic devices not mentioned in the foregoing section, of such explosive content that could endanger life and limb, such as Atomic Big Triangulo and Super Lolo and their equivalent are hereby prohibited,” saad sa Section 3 ng EO 28 o ang Prohibited Types of Firecrackers and Pyrotechnic Devices.

Ang nasabing kautosan ayon kay Thony Dizon, Toxics Campagner ng BAN Toxics ay nag-uutos sa Philippine National Police (PNP) na ipahayag ang mga alintuntunin at regulasyon na kinakailangan upang maayos at makontrol ang paggamit nito.

Sa inilabas ng PNP na listahan ng mga ipinagbabawal na mga paputok noong nakaraang taon, kabilang rito ang mga sumusunod:

Watusi, Piccolo, Poppop, Five Star, Pla-pla, Lolo Thunder, Giant Bawang, Giant Whistle Bomb, Atomic Bomb, Super Lolo, Atomic Triangle, Goodbye Bading, Large-size Judas Belt, Goodbye Philippines, Goodbye Delima, Bin Laden, Hello Columbia, Mother Rockets, Goodbye Napoles, Coke-in-Can, Super Yolanda, Pillbox, Mother Rockets, Boga, Kwiton, Kabasi, lahat ng overweight at oversized firecrackers at pyrotechnic devices (FCPD), mga imported finished products, iba pang unlabelled locally made FCPD products, at iba pang uri ng firecrackers na may ibang brands/names na katumbas ng mga nabanggit na ipinagbabawal.

Ayon sa Department of Health (DOH) ang kemikal at nilalaman sa mga firecrackers ay cadmium, lead, chromium, aluminum, magnesium, nitrates, nitrite, phosphates at sulfates, carbon monoxide, copper, manganese dioxide, potassium, sodium, zinc, oxides ng nitrogen at sulphur.

Ang pagiging expose sa nabanggit na toxic chemicals ay maaring makaapekto sa nervous at respiratory system.

“We support the Iwas Paputok campaign of DOH since it is aligned with our toxics-free and wastes-free celebration advocacy. The strict implementation of EO 28 and RA 7183 is essential to prevent and reduce firecracker-related injury during the holiday season,” ayon pa kay Dizon. Jocelyn Tabangcura-Domenden