Lao humirit sa Senado na payagang makalabas ng Pinas

Lao humirit sa Senado na payagang makalabas ng Pinas

August 25, 2022 @ 7:04 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hiniling ni dating Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) chief  Lloyd Christopher Lao, na nasangkot sa Pharmally deal, sa Senate Blue Ribbon Committee na bigyan siya ng clearance para makabiyahe sa ibang bansa.

Ibinunyag ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Francis Tolentino ang kahilingan ni Lao noong Huwebes habang nagsagawa ang panel ng pagdinig sa pagbili ng PS-DBM ng umano’y overpriced na mga laptop para sa Department of Education.

Sa kanyang liham noong Agosto 11 kay Tolentino, humiling si Lao ng “clearance o certification na wala siyang nakabinbing kaso, contempt charges, at/o warrant of arrest.”

“In view of the culmination of the 18th Congress and the consequent termination of the said Senate investigation, the issuance of the requested clearance/certification is just and equitable under the circumstances,” saad sa liham ni Lao.

“Such clearance of certification will be used by the undersigned in requesting for the lifting of the Immigration Look-Out Bulletin Order (ILBO),” dagdag pa ng dating opisyal.

Sinabi ni Tolentino na isinangguni niya ang usapin sa ibang miyembro ng komite dahil hindi lang niya desisyon ang gagawin.

“Ang opinyon at sertipikasyon at clearance na hinihingi ninyo sa akin ay hindi maaaring mailabas ngayon dahil kailangan kong i-refer ito sa mas mabuting paghatol ng mayoryang miyembro ng blue ribbon committee,” ani Tolentino.

Sa 18th Congress, inimbestigahan ng Senado ang Pharmally matapos lumabas sa mga talaan na ang PS-DBM ay nag-award ng bilyun-bilyong pisong halaga ng mga kontrata ng gobyerno sa kumpanyang wala pang isang milyong piso ang paid-up capital. RNT