Lapu-lapu PNP nagpasaklolo sa publiko vs 6 “salisi-gang” member

Lapu-lapu PNP nagpasaklolo sa publiko vs 6 “salisi-gang” member

November 22, 2022 @ 11:57 AM 2 weeks ago


LAPU-LAPU CITY—HUMINGI ng tulong sa publiko ang Lapu-Lapu City Police Office sa kinaroroonan ng anim na suspek na miyembro ng “Salisi Gang,” matapos tangayin ang P800,000 halaga ng mga alahas sa isang Jewelry Store sa loob ng mall kahapon sa lungsod na ito.

Ayon kay Police Major Leo Logronio, hepe ng City Investigation and Detection Management Unit-LCPO, nangyari ang insidente sa loob ng mall sa Barangay Basak at patuloy ang kanilang ginagawang backtracking ng CCTV footage mula sa mall, maging sa kalapit na bayan ng Cordova at Mandaue City.

Una rito, natukoy ng Lapu-Lapu City Police Station 4 ang anim na suspek na responsable sa pagnanakaw na kinabibilangan ng apat na lalaki at dalawang babae.

Sinabi ni Logronio, tuloy-tuloy ang ginagawa nilang profiling hindi lamang sa mga suspek kundi pati na rin ang ibang persons of interest.

Aniya, kapag makukumpleto na nila ang mga ebidensya ay sasampahan nila ng kaukulang kaso ang mga suspek.

Naniniwala rin ang LCPO na isang organisadong grupo ang mga suspek at dayo ang mga ito kung saan natunton na nila ang dalawa sa mga suspek pero mabilis na nakaalis sa kanilang inuupahang bahay.

Dagdag pa ni Logronio, iniimbestigahan nila ang lahat ng anggulo sa insidente, maging ang posibilidad ng inside job.

Hinimok rin ni Police Colonel Elmer Lim, hepe ng LCPO, ang publiko na i-report sa pulisya, barangay, at maging sa alkalde ang mga indibidwal na hindi residente ng kanilang barangay, lalo na kung may mga kahina-hinalang aktibidad.

Ipapakalat na rin ng LCPO ang kanilang direktang linya, telephone numbers at hotline numbers sa publiko para agad na maisumbong ang mga kahina-hinalang indibidwal at isasailalim sa surveillance at para imbestigahan.

“Kailangan natin magtulungan para maiwasan ang hindi kanais-nais na pangyayari gaya ng pagnanakaw at iba pang krimen,” ani Lim./Mary Anne Sapico