Laro sa PBA kinansela dahil sa bagyo

Laro sa PBA kinansela dahil sa bagyo

September 25, 2022 @ 1:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kinansela ng PBA ang doubleheader ng Commissioner’s Cup ngayong Linggo sa Mall of Asia Arena dahil sa super typhoon na si Karding.

Inilipat sa ibang araw ang laban sa pagitan ng Meralco at NLEX, at ang laro sa pagitan ng Barangay Ginebra at Converge, ayon sa liga.

Inaasahan ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAG-ASA)  na magla-landfall ang super typhoon sa Linggo ng gabi, at tatawid sa Luzon hanggang madaling araw ng Lunes.

Sasalang sana ang Barangay Ginebra sa kanilang debut game sa Commissioner’s Cup kasama si Justin Brownlee, at sina Jamie Malonzo at Von Pessumal ay naghahanda para sa kanilang mga bagong koponan kasunod ng isang trade.

Nakatakda ring laruin ng Meralco ang unang laro nito sa conference, kung saan ipinarada ng Bolts ang import na si Johnny O’Bryant.

Samantala ang  NLEX at Converge ay parehong galing sa mga panalo. Tinalo ng Road Warriors ang Rain or Shine, 96-90, at nanalo ang FiberXers sa Terrafirma, 124-110.JC