Larong football, isinusulong para sa lahat sa Bulacan

Larong football, isinusulong para sa lahat sa Bulacan

September 14, 2022 @ 6:10 PM 2 weeks ago


MALOLOS, Bulacan – Nagsama-sama hanggang sa maglaro ang mga atletang dayo at taga- rito sa friendly competition sa kauna-unahang Singkaban Football Festival sa Sports Complex nitong Linggo upang isulong ang football para sa lahat ng edad.

Ipinahayag ni Kenneth Z. Ocampo-Lantin, Pinuno ng Provincial Youth, Sports, and Public Employment Service Office, ginawa ang isang araw na paligsahan bilang katumbas ng mga palaro tuwing pista sa mga barangay.

“Dito tayo sa palaro na kung saan kahit sino, babae, lalaki, bata, matanda, lahat ng mga abled body ay maaaring mag-enjoy at mag-partake sa ating football game,” ani Lantin.

Samantala, nagpasalamat si Tournament Director Coach Emmanuel Robles ng Pinoy Wolves, Inc. sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando sa pagsuporta sa kanilang layunin na ipakilala ang football sa mga kabataan.

“Ito po ang kauna-unahang Football Festival kaya naman marami ang natutuwa. Free din po ito kaya marami po ang nahikayat na mag-join. Dinayo rin po tayo ng mga kaibigan natin mula sa ibang lalawigan. Sana rin po ay masundan pa ang ganitong klase ng gawain dito sa ating lalawigan,” ani Robles.

Hinikayat rin niya ang mga kabataan na subukang maglaro ng football at magsimula habang bata pa upang maagang mahasa ang kanilang kakayahan.

Mayroong siyam na kategorya ang Football Festival kabilang ang U7 o mga pitong taon pababa, U9, U11, U13, Boys U15, Boys U17, Women’s Open, Men’s Open, at 40 pataas.

Wagi ang Pinoy Wolves Football Club (FC) sa kategoryang U7 at Boys U15; Angono FC ang nakakuha ng kampeonato sa mga kategoryang U9 at U11; Lobos FC ang nanaig sa kategoryang U13; tinalo ng Sta. Maria FC ang lahat ng kanilang kalaban sa Boys U17; kampeon ang St. Agatha FC-A sa kategoryang Women’s Open; dinomina ng Empire FC ang Men’s Open; at naghari ang Dati Fit FC sa kategoryang 40 and above.

Maliban sa mga kampeon, nagbigay rin ng parangal para sa 1st hanggang 3rd runners up at mga special award para sa MVP, Golden Booth, Best Midfielder, Best Defender, Best Goalkeeper, at Fair Play sa bawat kategorya.

Binigyan ng tropeo, team certificate, at medalya ang bawat isang rehistradong manlalaro na nag-kampeon hanggang 2nd runners up, habang tropeo at team certificate naman ang para sa mga 3rd runners up.

Kaugnay nito, lahat ng nagwagi ng mga special award ay tumanggap ng gintong medalya bawat isa. Dick Mirasol III