Las Piñas idineklarang ‘Safe City’ sa buong NCR

Las Piñas idineklarang ‘Safe City’ sa buong NCR

August 16, 2022 @ 12:08 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Napili ng Philippine National Police (PNP) ang lungsod ng Las Piñas bilang “Safe City” sa buong National Capital Region (NCR) noong ika-121 Police Service Anniversary na ginanap kamakailan sa National Capital Region Police Office (NCRPO) Hinirang Hall, Taguig City.

Kaugnay nito ay iprinisenta ni City police chief P/Col. Jaime Santos ang natanggap na plaque of recognition kay Mayor Imelda Aguilar nitong Agosto 15 na nilagdaan ni NCRPO Director Maj. Gen. Felipe Natividad.

Sa nakamit na tagumpay ay binati ni Aguilar ang lokal na kapulisan sa pagpapanatili sa Las Piñas na isang ligtas na lugar para maging tirahan.

Sinabi ni Aguilar na ang tagumpay ng lokal na pulisya ay ibinase sa police performance kung saan ang Las Piñas ay nagging lungsod na may pinakamaliit na crime volume.

Dagdag pa ni Aguilar na nakapagtala rin ang lokal na pulisya ng may pinakamataas na bilang ng mga inarestong suspects na may gawa ng krimen.

“Ipinagmamalaki ko ang ating kapulisan at nagawa nila ang ating lungsod na maging “safe city” sa buong NCR at binabati ko rin si Col. Santos na isang masipag na hepe ng ating kapulisan na nagpapanatili naman sa ating lungsod na maging mapayapa at ligtas sa anumang krimen,” ani Aguilar.

Sinabi pa ni Aguilar na ang programang 5K (Kalusugan, Kaayusan, Kaalaman, Kalinisan, Kinabukan) kung saan ito ay kasalukuyang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ay bahagi rin ng “Tuloy ang Tapat at Progresibong Serbisyo” ng kanyang administrasyon.

Ayon pa kay Aguilar, ang pinakamalaking salik o factor kung paano nagawa ng lokal na pulisya na maging ligtas na lugar para matirahan ang lungsod sa buong NCR ay dahil sa pananatili ng police visibility at ang pagsasagawa ng checkpoints na may koordinasyon sa iba’t-ibang barangay sa lungsod. (James I. Catapusan)