Las Piñas LGU nakasungkit ng 2 award sa pagpapatupad ng episyenteng healthcare program

Las Piñas LGU nakasungkit ng 2 award sa pagpapatupad ng episyenteng healthcare program

October 17, 2022 @ 10:59 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinarangalan ng Department of Health (DOH)-Metro Manila Center for Health Development (MMCHD) ang Las Piñas dahil sa pagbibigay ng lokal na pamahalaan ng mataas na kalidad ng pagseserbisyo sa larangan ng kalusugan.

Hindi lamang tumanggap ng parangal kundi kinilala din ang Las Piñas LGU dahil sa hindi mapapantayang financial compliance at mahusay na paggamit ng pondo ng DOH gayundin ang mabilis at tamang paglalabas ng pondo.

Pinagkalooban din ng plaque of appreciation ang lokal na pamahalaan dahil sa suportang ipinakita ng lungsod sa iba’t-ibang healthcare programs na nagbibigay ng karampatang daan patungo sa may kalidad at abot-kayang serbisyo ng health care na naaayon sa universal health care.

Ang pagbibigay ng parangal at rekognisyon ng mga lungsod na may mataas na kalidad sa health service ay ginanap nitong Oktubre 14 sa Manila Hotel sa ika-35 anibersaryo ng DOH-MMCHD.

Bukod sa dalawang awards na tinanggap ng local na pamahalaan ay pinagkalooban din ang lungsod ng P150,000 na magagamit bilang karagdagang pondo sa health services at proyekto para sa mga Las Piñeros.

Nakitaan naman ng katuwaan si Vice-Mayor Aguilar sa dalawang rekognisyon na tinanggap ng lokal na pamahalaan at sinabi pa ng bise-alkalde na ang rekognisyon na ipinagkaloob ng DOH-MMCHD ay maituturing na isang inspirasyon upang mas mapabuti pa ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga residente sa lungsod.

Idinagdag pa ni Aguilar na ang pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan ng lokal na pamahalaan ay bahagi ng programa ni Mayor Aguilar na “Tuloy ang Tapat at Progresibong Serbisyo.” (James I. Catapusan)