Las Piñas Tourism Office kinilala ng DOT

Las Piñas Tourism Office kinilala ng DOT

April 13, 2022 @ 9:55 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Kinilala ng Department of Tourism (DOT) ang Las Piñas City Tourism Office dahil sa ipinakita nitong patuloy na suporta at dedikasyon sa pagseserbisyo sa larangan ng turismo sa bansa.

Kaugnay nito ay pinasalamatan naman ni Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar si DOT Regional Director Sharlene Zabala-Batin makaraang ipagkaloob ang plaque of recognition sa local na Tourism Office na pinamumunuan ni Paul San Miguel.

Sinabi ni Aguilar na aktibo si San Miguel sa pagpo-promote at pagprepreserba ng mga lugar ng turismo sa lungsod para sa lokal at banyagang bumibisita sa mga ito.

Ayon naman kay San Miguel, ang pinakabinibisitang lugar sa lungsod ay ang Zapote Bridge na kumukunekta sa lungsod ng Bacoor, Cavite kung saan naganap ang dalawang digmaan noong kapanahunan ng gobyerno ng Spanish colony.

Sinabi ni San Miguel na bukod sa popular na tulay, ipinipreserba rin ng local na pamahalaan ang Las Pinas-Paranaque Critical Habitat na binubuo ng mangrove forest at swamps na nagbibigay ng habitat para sa mga migratory birds.

Ang isa pang pinakapopular na atraksyon ng turismo sa lungsod ay ang Saint Joseph Church kung saan matatagpuan ang sikat na Bamboo Organ.

Dagdag pa ni San Miguel na binigyan din ng pagpapahalaga ng lokal na pamahalaan ang pagpapaganda ng Las Pinas Nursery and Botanical Garden sa pamamagitan ng pagtatayo ng bahay kubo na nilagyan ng mga kahoy na upuan sa paligid na nagsisilbing picnic ground upang maging kaya-aya sa mga bumibisita sa lugar. James I. Catapusan