Lasenggo tinaga ng kapitbahay na hinamon ng away

Lasenggo tinaga ng kapitbahay na hinamon ng away

July 11, 2021 @ 1:13 PM 1 year ago


BADIAN, CEBU-Kritikal sa ospital ang isang lalaking lasenggo nang tagain ito ng kapitbahay na kanyang pinagtripan na hamunin ng away, iniulat kahapon sa bayang ito.

Inoobserbahan ngayon sa ospital si Fructoso Amancio Sotomayor, 40, habang kusa naman sumuko sa pulisya ang suspek na kinilalang si Segundino Laroscain Eleccion, 64, at kapwa nakatira sa Barangay Banhigan, Badian, Cebu.

Batay sa report ng Badian Police Station, dakong 4:40 PM naganap ang insidente sa may sakahan ng suspek sa naturang lugar.

Lumabas sa imbestigasyon, bago ang insidente hinahamon ng biktima ang suspek ng away sa tuwing ito ay nalalasing at nagwawala sa kanilang lugar.

Nagkaroon ng usapin sa barangay ang dalawa subalit hindi sumipot ang biktima .

Sa halip, sinugod nito ang suspek sa sakahan na lango sa alak at hinamon ng away.

Napuno na si Eleccion kaya tinagpas nito sa leeg si Sotomayor ng hawak niyang itak.

Dinala naman sa ospital ang biktima habang sumuko sa otoridad ang suspek at nahaharap sa kasong attempted homicide./Mary Anne Sapico