Lasing na kelot patay sa stepdad

Lasing na kelot patay sa stepdad

September 26, 2022 @ 5:23 PM 2 months ago


SAN FABIAN, Pangasinan- Basag ang bungo ng isang kelot makaraan hatawin ito ng tubo ng kanyang step dad matapos umanong magwala ang una at saktan ang huli dahil sa kalasingan Linggo sa bayang ito.

Kinilala ang namatay na si Gelmar Rebosa, 24, construction worker, habang sumuko naman sa pulisya ang suspek at ama-amahan ng biktima na kinilalang si Teofilo Padilla, 74-anyos, vendor, at kapwa residente ng Brgy. Longos Central, San Fabian, Pangasinan.

Ayon kay PLt. Col. Michael S. Datuin, officer-in-charge ng San Fabian Police Station, naganap ang krimen sa loob ng bahay ng suspek at biktima sa nasabing lugar.

Kuwento ng mag-live-in partner na sina Jing Felix, 25 at Julius Juguilon, nakita nilang umuwing lango sa alak ang biktima at nagwawala kaya sinaway ito ng suspek na ikinagalit ni Rebosa at tinangka nitong bugbugin ang kanyang stepfather.

Nagawa naman manlaban ng suspek kaya nakakuha ito ng bakal na tubo at hinataw sa ulo ni Rebosa dahilan para bumagsak ito sa sahig.

Agad naman dinala sa Region 1 Medical Center, Annex Dagupan City ang biktima subalit dineklara na rin itong patay ng umatending doctor.

Sumuko naman sa pulisya si Padilla na ngayon ay nahaharap sa kasong homicide. Mary Anne Sapico