Last batch ng OFW na apektado ng air traffic glitch lilipad na sa Enero 7 – DMW

Last batch ng OFW na apektado ng air traffic glitch lilipad na sa Enero 7 – DMW

January 4, 2023 @ 4:15 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na ang huling iskedyul ng rebooked flights para sa overseas Filipino workers (OFWs), na apektado ng technical issues ng air traffic control system ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) noong Bagong Taon ay nakatakda na sa Sabado, Enero 7.

Ayon kay DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac ngayong Miyerkules, Enero 4, mahigit 3,000 OFWs ang natulungan na ng ahensya pagdating sa pakikipag-ugnayan sa kani-kanilang airlines at pagproseso ng kanilang flight rebooking.

Kabilang rin sa naibigay na tulong ng DMW sa mga apektadong OFWs ay ang pagbibigay ng pagkain, accomodation o matutuluyan sa mga hotels hanggang sila ay makalipad.

“Sa ngayon, tinutulungan nalang po natin iyong continuing accommodation ng mga may rebooked flight. Sa aking observation, ang pinaka latest na may rebooked flights ay around Jan. 6 to 7,” saad ni Cacdac sa Laging Handa public briefing.

Binanggit ng opisyal ng DMW na hindi na isyu para sa mga apektadong OFW ang rescheduling flights, ngunit kinilala niya na maaaring kailangan pa rin ng ilan sa kanila ng tulong sa pagpapaliwanag ng kaguluhan sa airspace sa kanilang mga employer.

Paliwanag ni Cacdac, may direktiba si DMW Secretary Susan Ople sa mga labor attaches na kausapin ang mga employer ng mga apektadong OFWs upang maklaro ang anumang agam-agam kung bakit na-delay o nakansela ang kanilang flights.
.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ang nasabing problema na kawalan ng power suplay na ginamit ng CAAP ay nagresulta ng pagkawala ng komunikasyon, radio, radar at internet sa Ninoy Aquino International Airport. Jocelyn Tabangcura-Domenden