Sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte lang sinuwerte ang ating mga law enforcer dahil tinaasan ang kanilang buwanang suweldo nang halos doble.
Halimbawa, ang dating sweldo ng bagong pulis ay P14,834 lamang, pero simula nitong taong 2018 ay naging P29,668 na ang suweldo ng bagong pulis o ‘yung may ranggong Police Officer 1.
Ang siste, nataasan na nga ng suweldo, eh, marami pa rin pala sa ating mga pulis ang tila nahirati na sa dati nilang sistema na ang mga naaaresto nila ay pineperahan kapalit ng pagsasampa ng kaso.
Dahil dito, tayo ay sumasaludo sa ginawa ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ng hindi nito napigilang pagkukutusan ang 3 pulis na nangikil sa isa nilang inarestong tao (dapat nga hagupitin ang mga ito) at dapat lang na ang ganitong mga klaseng law enforcer na nagbibigay batik sa imahe ng kapulisan, e, matanggal sa serbisyo.
PERIOD!
Kailangan talaga ang ibayong reporma sa ating mga law enforcer at tiwala tayo sa kakayahan ni Philippine National Police chief, Director General Oscar Albayalde na mababago nito ang ganitong kalakaran.
Ika nga, magagawa nito na ang kapulisan ay maging modelo ng mamamayan tungo sa tapat na pagseserbisyo.
Normal sa ating lahat na nangangarap na umasenso, kung saan bukod sa kasalukuyan nating propesyon ay mayroon pa tayong ekstrang raket o pangkabuhayan pero huwag naman po sa pamamagitan ng ‘pamimitsa’ o ‘panghuhulidap’.
Marami pong pamamaraan na magkaroon tayo ng disente at malinis na ekstrang pangkabuhayan, tulad ng pagnenegosyo, restawran, tindahan, transport services o kung may malawak na lupain ay ang pagpapatanim ng mga halaman, pagpapaalaga ng mga hayop, fishpond at iba pa na siguradong ikararangal at hahangaan ng lahat.
Panahon na para pairalin natin ang malinis at tapat na pagseserbisyo sa sambayanan at tumbasan ng ating mga kapulisan ang tinatamasa nilang mataas na suweldo upang lalo pa silang pagtiwalaan ng mamamayan.
Sa kabatiran ng ating mamamayan, ang may ranggong Inspector o Tinyente ay sumusuweldo ng mahigit P40,000 at ang Superintendent o Colonel ay may suweldo namang mahigit P60,000 kung ‘di tayo nagkakamali.
Kaya ang ating mga kapulisan ay dapat nang makuntento sa kanilang mga suweldo at ipairal ang MALINIS at TAPAT na pagseserbisyo.
Lubayan na ‘yang Quota, Tara at Tongpats system.
Baka hindi lang kutos ang abutin ninyo!
-DALA KO EGCO