Lay minister kabilang sa 14 napatay sa N. Oriental; Obispo, pumalag

Lay minister kabilang sa 14 napatay sa N. Oriental; Obispo, pumalag

April 1, 2019 @ 3:00 PM 3 years ago


Manila, Philippines – Nananawagan si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza sa pamahalaan na masusing imbestigahan ang naganap na pagpatay sa may 14 na katao, kabilang ang isang church lay minister, sa Negros Oriental kamakailan.

Ang panawagan ni Bishop Alminaza ay bunsod na rin ng alegasyon nang paglabag sa karapatang pantao.

Matatandaang sa magkakahiwalay na operasyon nitong weekend ay napatay ng mga awtoridad ang 14 na indibidwal matapos umanong manlaban sa operasyon kontra illegal na sandata, sa Canlaon City at mga bayan ng Manjuyod at Sta. Catalina.

Sinasabing ang operasyon ay bahagi ng kampanya ng pamahalaan laban sa loose firearms na itinatago ng ilang hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA), ngunit iginigiit ng human rights groups, na ang mga napatay ang mga magsasaka at hindi komunistang rebelde.

“We demand a quick investigation on this and appeal to our government authorities to restore peace and order,” panawagan naman ni Alminaza.

Ayon pa sa Obispo, isa sa mga napatay ay lay minister sa Canlaon parish at mismong ang administrador nito ang makapagpapatunay sa kanyang moral na karakter.

“Others were not even shown the supposed arrest papers.  Some of those killed belonged to our Mission Station in Masulog,” ayon pa kay Alminaza.

Umapela rin naman si Alminaza sa mga awtoridad na tiyaking maipatutupad ang due process at rerespetuhin nila ang karapatang pantao sa paggampan nila sa kanilang tungkulin dahil ayaw aniya nilang maging ‘killing field’ ang kanilang lalawigan.

“We don’t want to turn our beautiful island of Negros into a killing field!” anang Obispo.

Nagbabala rin naman si Alminaza na ang mga paglabag sa karapatang pantao ng pwersa ng pamahalaan ay lalo lamang magiging dahilan kung bakit maraming tao ang sumasapi sa mga underground movement.

“Please make sure you are not adding more reasons for our people to get disillusioned with our government and peacekeepers,” pahayag ng Obispo.

“But I believe there are still those among you with a lot of common sense, right values and principles, capable of creating avenues for dialogue as a way to lasting peace and not through violence and human rights violation,” dagdag pa ni Alminaza. Macs Borja