Leaves, long weekend ng DSWD employees kinansela ni Tulfo

Leaves, long weekend ng DSWD employees kinansela ni Tulfo

October 28, 2022 @ 5:12 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kinansela ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ang lahat ng leave at plano para sa long weekend ng mga opisyal at kawani ng ahensya.

Ito ay upang masiguro na nakatutok ang kanilang mga opisina sa posibleng epekto ng Tropical Storm Paeng.

Nakadagdag sa desisyong ito ay nang malaman ni Tulfo na ang isa sa opisyal ng ahensya ay wala sa pagpupulong na itinakda niya.

“Pati dayoff ica-cancel to make sure everybody was ready. Kailangan ng pagdedeliver ng mga relief so yung mga naka-leave, ni-relieve ko muna mga leaves nila,” pahayag ni Tulfo.

Siniguro niya sa publiko na handa ang kagawaran na tugunan ang pangangailangan ng mga residenteng maaapektuhan ng bagyo.

Nakahanda na rin umano ang tulong na ibibigay sa mga ito.

Aniya, nasa 25,000 food packs kada araw ang maaaring matapos ng kanilang operations center.

“So far naman, natutuwa tayo dahil sa utos na preparation, yung prepositioning, may prepositioning naman. Sa pondo naman, wala namang problema kasi we have funds tulad nung sa (Assistance to Individulas in Crisis Situation),” ani Tulfo.

Hinimok na rin niya ang mga pamilyang nakatira sa mga vulnerable areas na lumikas na dahil malaki-laking bahagi ng bansa ang maaapektuhan ng bagyong Paeng. RNT/JGC