LEBANON INILAMPASO NG GILAS

LEBANON INILAMPASO NG GILAS

February 24, 2023 @ 7:57 PM 1 month ago


BOCAUE, Bulacan – Impresibo ang naging debut ni naturalized player Justin “Justin Noypi”  Brownlee para sa Gilas Pilipinas kung saan  umiskor ito ng team-high na 17 puntos sa 107-96 panalo ng Pilipinas laban sa Lebanon sa ikaanim na window ng 2023 FIBA ​​World Cup Asian Qualifiers sa Philippine Arena ngayong gabi.

Pumasok si Brownlee bilang starter sa kanyang unang stint sa national team at umiskor ng 15 sa kanyang mga puntos sa first half nang maagang humulagpos ang Gilas.

Mayroon din siyang apat na rebound, limang assist, at dalawang steals.

Isang 11-0 run para simulan ang second canto ang nagtulak sa Gilas sa 17, 36-19, matapos ang 3-pointer ni Ray Parks Jr.

Iyon ang simula ng pagtatapos para sa Cedars, na naubusan ng manlalaro, habang ibinuhos ng Nationals ang kanilang mga basket sa opensa mula kina Jamie Malonzo at ang debuting na si Mason Amos.

Umiskor si Amos ng 11 puntos sa kanyang 13 puntos sa ikatlong quarter upang mapanatili ang distansiya sa puntos kontra Lebanon. Siya ay maglalaro sa UAAP para sa Ateneo Blue Eagles ng UAAP Season 86.

Samantala, si Malonzo ay naging walking highlight reel nang magtapos siya ng 15 markers. Ang Gin King star ay mayroon ding limang board, tatlong dime, isang steal, at dalawang block.

Pinalobo ng Gilas ang kanilang kalamangan na umabot sa 23 puntos, matapos na umiskor si Kiefer Ravena ng triple sa 8:21 mark ng fourth quarter, 90-67.

Sumalpak ang mga reinforcement ng Japan B. League na sina Jordan Heading, Dwight Ramos at Parks ay ng tig-10 puntos habang si Thirdy Ravena ay may 2 points.

Sa panig ng Lebanon, nanguna si Amir Saoud na kumamada ng 27 puntos sa kanilang naging pagkatalo..

Dahil sa panalo, umangat ang Gilas sa 6-3 slate at ngayon ay panalo ng  apat na sunod. Sisikapin ng mga Pinoy na tapusin ang qualifiers sa isang malakas na nota sa kanilang paghaharap sa Jordan sa Lunes sa Philippine Arena.

Bumagsak sa 7-2 ang Lebanon, na hindi nakuha ang serbisyo ng star point guard ni Wael Arakji. Mayroon silang natitirang laro laban sa New Zealand sa Lunes din.RICO NAVARRO