Lebel ng tubig sa Angat Dam, patuloy sa pagbaba

Lebel ng tubig sa Angat Dam, patuloy sa pagbaba

February 23, 2022 @ 12:49 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Patuloy ang pagbaba ng antas ng tubig sa Angat Dam sa kabila ng mga nararanasang pag-ulan sa mga nakalipas na araw.

Kahapon, Pebrero 22, bumaba pa sa 195.36 meters ang lebel ng tubig sa dam na malayong-malayo sa normal na lebel nito na 212 meters.

Ayon sa PAGASA, bagama’t may naitalang mga pag-ulan sa watershed ng Angat Dam sa nakalipas na limang araw ay hindi ito sapat para mapataas ang antas ng tubig sa dam.

“Ang talaga pong makakapagbigay ng significant na pag-ulan within the watershed ay ang bagyo,” ani Rosalie Pagulayan, weather specialist ng PAGASA.

Sa darating na mga buwan ng Abril at Mayo, isang bagyo lamang ang inaasahang papasok sa bansa.

Dahil dito, pinangangambahan ng National Water Resources Board (NWRB) na bumagsak pa ang lebel ng tubig sa Angat sa minimum operating level nito na 180 meters pagsapit ng Abril.

Samantala, ayon sa Maynilad, karaniwang tumataas hanggang 20 million liters ang demand sa tubig sa kanilang mga kustomer tuwing summer season o tag-init.

Kaugnay nito, plano ng water concessionaire na magtayo ng apat na modular treatment plants na makakapag-generate ng karagdagang 33.6 million liters ng tubig kada araw.

Aprubado na rin ng NWRB ang hiling ng Maynilad na gumawa ng karagdagang 11 deep well. RNT