Lebel ng tubig sa Angat patuloy na bumababa

Lebel ng tubig sa Angat patuloy na bumababa

September 22, 2022 @ 9:16 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Patuloy na bumababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan sa kabila ng tag-ulan nitong mga nakaraang araw.

Umabot na lang sa 0.29 metro ang lebel ng tubig ng Angat Dam simula alas-6 ng umaga nitong Miyerkoles, batay sa impormasyon mula sa PAGASA.

Sa kasalukuyan, ang elevation ng tubig ng dam ay nasa 176.27 metro, mas mababa kaysa sa normal na mataas na lebel ng tubig na 210 metro.

Ang Angat Dam ang pangunahing pinagkukunan ng tubig para sa Metro Manila at mga kalapit na lugar.

Samantala, bumaba rin ang lebel ng tubig sa Ambuklao, Binga, at Caliraya Dam, ayon sa ulat.

Sinabi ni National Water Resources Board (NWRB) Executive Director Dr. Sevillo David sa panayam sa radyo, na ang 176.27 metrong lebel ng Angat Dam ay mas mababa rin sa minimum operating level na 180 metro.

“Mahigit 30 meters po ang diperensia. ‘Pag ganito pong sitwasyon, dalawa hanggang tatlong bagyo po ang kailangan, at malakas na pag-ulan,” ani David.

Aniya, ang Pantabangan Dam, na kailangan para sa irigasyon at suplay ng kuryente sa Pampanga, Tarlac at Nueva Ecija, ay kasalukuyang may mababang lebel din ng tubig. RNT