Marikina City – Pinalikas na ng local na pamahalaan ng Marikina City ang mga residenteng nakatira sa tabi ng Marikina river.
Kasunod ito ng pagpalo ng taas ng tubig ng ilog sa 16.6 meters, hudyat para itaas sa ikalawa ang alarma.
Kapag umabot sa 3rd alarm o 18 meter ang taas ng tubig sa Marikina River ay magpapatupad na sila ng forced evacuation sa mga mabababang lugar sa paligid ng ilog.
Kabilang sa mga barangay na nakapaligid sa Marikina river ay ang Tumana, Malanday at Nangka.
Kabilang naman sa mga evacuation centers ay ang mga elementary schools sa nasabing mga barangay.
Bagaman suspendido na ang pasok sa mga tanggapan ng Marikina City Hall ay mananatili namang naka-antabay ang kanilang mga tauhan partikular na yung mga nakatalaga sa rescue at relief team.