LeBron balik-laro kontra Pistons

LeBron balik-laro kontra Pistons

November 15, 2022 @ 10:29 AM 3 weeks ago


LOS ANGELES — Inaasahang babalik na sa lineup ng Los Angeles Lakers si LeBron James sa huling bahagi ng linggong ito habang nagpapagaling siya mula sa pinsala sa singit.

Hindi sumabak si James sa kanyang ikalawang sunod na laro dahil sa kanyang injury nang i–host Lakers ang Brooklyn Nets noong Linggo.

Araw-araw sinusuri ang injury ni James na nakuha nito noong Miyerkules sa ikaapat na quarter ng 114-101 panalo ng Clippers laban sa Lakers.

Sinabi ni coach Darvin Ham na maaaring bumalik si James sa pagsasanay sa kalagitnaan ng linggo. Ang susunod na laro ng Lakers sa  Biyernes (Sabado PH time) laban sa Detroit Pistons.

Lumabas sa isang MRI ni James na walang tear sa kanyang adductor muscle.

Si James ang nangungunang scorer ng Lakers na may 24.9 puntos kada laro sa kabila ng patuloy na pananakit ng kaliwang paa na nagtulak sa kanya para hindi makalaro  sa pagkatalo ng koponan kontra Utah noong Lunes. Nag-aambag din si James ng 8.8 rebounds at 6.9 assists kada laro sa kanyang ika-20 NBA season.

Sa kabila ng malakas na laro ni James, ang Lakers ang may pang-apat na pinakamasamang record sa NBA sa 3-10.JC