Lechon, crispy pata, kare-kare pasok sa Top 100 best dishes

Lechon, crispy pata, kare-kare pasok sa Top 100 best dishes

March 13, 2019 @ 1:58 PM 3 years ago



Manila, Philippines – Pasok ang tatlong sikat na sikat na ulam at pulutan sa Pilipinas sa listahan ng 100 best dishes sa buong mundo ngayong taong 2019.

Sa listahan ng Taste Atlas, kabilang dito ang lechoon, kare-kare, at crispy pata kasama ang ilan pang mga pagkaing sikat sa ibang bansa gaya ng sushi at sashimi ng Japan, pho ng Vietnam, at ang Paella ng Spain. (See full list here)

Ano nga ba ang meron sa tatlong tradisyonal na pagkaing ito?

Lechon (Lechón)

Credits: Taste Atlas

Hango sa Espanyol na salita ang Lechon na itinatawag sa baboy na inulingan o niluto sa ulingan. Nakakatulong sa pagiging malinamnam nito ang paglalagay ng lemongrass, tamarind, garlic, onion, at chives sa loob nito para ipalaman at tsaka tutuhugin ng kawayan.

Madalas itong laman ng handaan – mapa-piyesta, kasal, o anumang selebrasyon, tiyak na ito ang unang hinahanap sa hapag.

Pinakahinahanap dito ang balat lalo na kapag ito ay malutong. Inihahanda ang lechon kasama ang sawsawan na gawa sa asukal, suka, at atay ng baboy.

Kapag may natitira sa lechon, ginagawa pa itong paksiw kinabukasan.

Natitikman na rin ang Lechon sa bansa ng Cuba, Puerto Rico, the Dominican Republic, at Spain. Ayon sa Taste Alas, ito na ang pinakamasarap na luto ng baboy sa buong mundo ayon na rin mismo sa mga sikat na chefs.

Kare-Kare (Ox Tail Stewed in Peanut Sauce, Kare Kare)

Ang Kare-kare ay tradisyonal nang pagkain sa Pilipinas. Ito ay nilagang mga karne ng baka, kambing, o manok na sinahugan ng talong, at ng iba pang mga gulay. Ang sabaw nito ay hinahaluan ng peanut butter o dinikdik na mani para sa mas malinamnam nitong lasa.

Sabi nga ng iba, hindi ito kumpleto kung walang nakahaing bagoong sa tabi nito na siyang nagpapalakas ng lasa ng Kare-kare. Tradisyonal itong niluluto sa palayok at ginagamit.

Sa ngayon, gaya ng lechon, madalas din itong hanapin sa mga piyesta. Ito ay orihinal na nagmula sa Pampanga, na pinaniniwalaan din ng iba na nanggaling talaga sa ‘curry’ na pagkain sa India at nag-evolve lamang o nabago sa paglipas ng panahon.

Crispy Pata

Putok batok kung tawagin, ang crispy pata ang kasalanan na gustong-gustong tikman ng mga Pilipino at ng mga banyaga. Ito ay isang buong pork leg na niluto nang maigi hanggang sa lumambot. Pagkatapos nito ay ilulubog ito sa kumukulong mantika hanggang sa maging malutong at kulay golden brown.

Inihahanda ito nang nakahiwa na at kasama ng sukang tinimplahan para sa sawsawan atsara.

Ang Taste Atlas, ay tinatawag na “world atlas” ng mga pagkain at inumin o “encyclopedia of flavors” na mayroong 10,000 pagkain at ingredients mula sa iba’t ibang lugar sa buong mundo.

Samantala, bagama’t wala sa Top 100 best dishes ang Adobo, nananatili naman ito sa mga paboritong ulam sa bansa. (Remate News Team)