Legal assistance, trabaho alok ng OVP

Legal assistance, trabaho alok ng OVP

November 16, 2022 @ 3:14 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Iniaalok ng Office of the Vice President (OVP) ang libreng legal assistance at trabaho matapos lumagda nitong Miyerkules ng kasunduan sa Public Attorney’s Office (PAO) at Department of Labor and Employment (DOLE).

Ipinaliwanag ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na nakatutok ang OVP sa “peace and entrepreneurship,” subalit ilan sa mga idinudulog sa OVP at sa satellite offices nito ang hindi nakalinya sa nabanggit na mga prayoridad.

“So naghanap kami ng mga partners, tulad ng DOLE doon sa mga naghahanap ng emergency employment o pagtawid doon sa panahon na wala silang trabaho. At sa Public Attorney’s Office para sa mga naghahanap ng legal advice o legal assistance,” aniya.

“Iba’t iba iyong mga nakukuha namin na mga concerns ng mga tao. And karamihan noon ay mga concerns na dapat idulog o i-refer sa iba pang mga national government offices. Iyon ang direksyon namin,” dagdag ni Duterte.

Sinabi naman ni PAO chief Persida Acosta na pwedeng magtalaga ang kanyang opisina ng mga abogado sa satellite offices ng OVP sa mga rehiyon.

“Ang ating inaasahan ay lalong maaabot ng mahihirap sa mga dalampasigan, kabundukan at mga baybayin ang mga legal aid, pagpunta sa korte, panghingi ng hustisya,” ani Acosta. 

Inihayag naman ni Labor Undersecretary Felipe Egargo Jr. na magbibigay ang DOLE ng tulong sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program, na nag-aalok ng trabaho sa displaced workers na naghihintay ng permanent employment.

“Sila (OVP) po ang magbibigay ng beneficiaries sa iba-ibang rehiyon ng ating bansa. At kami naman po ang magbibigay ng pasahod doon sa mga mae-employ na mga workers,” paliwanag niya.

Magkakaiba ang bilang ng mga manggagawa, depende sa kinakailangan ng partikular na munisipalidad o rehiyon, base kay Egargo.

Pwedeng sumangguni ang mga interesado sa OVP central at satellite offices.

Samantala, balak ng OVP na magtatag ng mas maraming satellite offices.

“From 1 to 3 satellite offices, i-assess lang namin iyong budget namin, paano niya ma-accommodate iyong additional na 1 to 3 satellite offices. Kung ilan talaga we’ll end up with, depende sa assessment namin,” paglalahad ni Duterte. 

“As an example, sa ngayon, iyong Dagupan office gets clients as far as Isabela. Pumupunta sila doon, nagha-hire sila ng jeep. Bumabyahe sila papuntang Dagupan. Yesterday, there was a meeting with satellite managers and there was a discussion na dapat maglagay ng satellite office sa eastern side ng Luzon,” patuloy niya. RNT/SA