Legal division sa IATF buuin para iwas ‘laban-bawing’ kautusan -senator

Legal division sa IATF buuin para iwas ‘laban-bawing’ kautusan -senator

February 10, 2022 @ 8:21 AM 8 months ago


MANILA, Philippines- Inirerekomenda ni Senator Francis ‘’Tol’’ Tolentino sa Inter-Agency Task Force (IATF) na magkaroon ng sarili nitong legal division sa gitna ng pandemya ng COVID-19.

Sinabi ni Tolentino na susuriin ng dibisyong ito ang legalidad ng naturang mga patakaran na napagdesisyunan ng IATF bago isapubliko ang mga ito, upang maiwasan ang kalituhan.

Matatandaang madalas na nagiging kontrobersiya ang ilang mga kautusang ipinatutupad ng IATF sa gitna ng pandemya, na minsan ay nauuwi pa sa pagbawi ng mga ito.

Giit ni Tolentino, maiiwasan ang mga ganitong pangyayari ng IATF kung mayroong dibisyon na tututok sa usapin ng legalidad ng mga kautusan.

Bilang halimbawa, binanggit ni Tolentino ang patakarang ‘’no vaccine, no ride’’ ng Department of Transportation (DOTr) na hinamon ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nagsabing dapat exempted ang mga manggagawa.

Binanggit din niya ang isang memorandum ng Department of Health (DOH) na nagsasaad na maaaring magbigay ng pahintulot ang gobyerno sa pagbabakuna sa mga batang may edad mula lima hanggang 11 sa kabila ng pagtanggi ng kanilang mga magulang.

Binawi ng DOH ang memorandum na ito matapos magsampa ng kaso ng mga magulang na humihiling sa Quezon City regional trial court (RTC) na itigil ang memorandum dahil labag ito sa konstitusyon.

Sinabi ni Tolentino na ang panukalang IATF legal division ay maaaring pamunuan ng Department of Justice (DOJ). RNT