Legionnaire’s disease kayang ma-detect, gamutin sa Pinas

Legionnaire’s disease kayang ma-detect, gamutin sa Pinas

September 9, 2022 @ 11:50 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Siniguro ng Department of Health na may kakayahan ang Pilipinas na tukuyin at gamutin ang Legionnaire’s disease.

Ang nasabing sakit ay isang sakit na kumakalat ngayon sa isang klinika sa Argentina kung saan nasa apat na ang nasawi rito.

Sa interbyu sa CNN, ipinaliwanag ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang sakit ay maaaring maipasa sa pamamagitan ng kontaminadong air filtration system at water-based cooling system.

Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, ang Legionnaires’ disease ay sanhi ng legionella bacteria na maaaring naroroon sa mga lawa at sapa o maaaring tumubo sa mga showerhead, cooling tower at iba pang mga sistema ng tubig sa gusali.

Maaaring magkasakit ang mga tao kapag nakahinga sila sa maliliit na patak o hindi sinasadyang nakalunok ng tubig na kontaminado ng legionella sa baga, idinagdag nito.

Kasama sa mga sintomas nito ay ang ubo, igsi ng paghinga, lagnat, pananakit ng kalamnan at pananakit ng ulo, na karaniwang nagsisimula dalawa hanggang 14 na araw pagkatapos ng pagkakalantad sa bacteria.

Sinabi ni Vergeire na ang sakit ay may 10% case fatality rate, na nangangahulugan na isa sa bawat 10 taong nahawahan ay maaaring mamatay.

Sa ngayon, wala pang naiuulat na kaso ng naturang sakit ang Pilipinas.

Ngunit sinabi ni Vergeire na ang Research Institute for Tropical Medicine ay may surveillance system at iba pang resources para matukoy ang bacteria. Ang reverse transcription polymerase chain reaction o RT-PCR test ay maaari ding gawin upang matukoy ang pagkakaroon ng legionella. RNT