Legislative plan meeting kasama si BBM, pinangunahan nina Zubiri, Romualdez

Legislative plan meeting kasama si BBM, pinangunahan nina Zubiri, Romualdez

June 1, 2022 @ 8:15 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinangunahan nina Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri at House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez mula sa dalawang Kapulungan ng Kongreso nitong Martes ang pagtalakay ng legislative agenda kasama si incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa isang pulong sa kanyang punong-tanggapan sa Mandaluyong City.

Sa courtesy call, pinangunahan ni Zubiri, na isa sa tumatarget sa Senate Presidency, ang pagtalakay sa legislative plans para sa susunod na anim na taon ng administrasyong Marcos habang si Romualdez na nakatakdang maging susunod na Speaker ay naglahad ng mga programa para naman sa House.

“Sa aking pakikipag-usap sa ating incoming president, President-elect Bongbong Marcos, nais niyang hubugin kaagad ang legislative agenda,” ani Zubiri sa isang panayam sa Senado noong Lunes.

“Inutusan niya ako at si incoming Speaker Romualdez na umupo at pag-usapan ang posibleng legislative agenda para sa Sona [state of the nation address], mga talakayan para sa Sona,” aniya.

Bilang kapalit, sinabi ni Zubiri na nangangako siya kay Marcos na tutulungan niya ito maging siya man o hindi ang susunod na pangulo ng Senado.

“So, meron tayong series of meeting and we’ve been discussing how we can assist the President-elect on his legislative agenda for the 19th Congress,” paliwanag pa niya.

Kasama niya sa pagbisita sina Senators Nancy Binay, Ronald dela Rosa, JV Ejercito, Jinggoy Estrada, Lito Lapid, Loren Legarda, Ralp Recto, Ramon “Bong” Revilla, at Raffy Tulfo.

Kasama ni Romualdez sa kabilang banda sina Iloilo Rep. Janet Garin at Isabela Rep. Tonypet Albano. RNT