‘Legit contractors’ handang tumulong kay Bonoan; Raket ni cong. sa DPWH bidding ibinuking

‘Legit contractors’ handang tumulong kay Bonoan; Raket ni cong. sa DPWH bidding ibinuking

December 1, 2022 @ 12:29 PM 2 months ago


Manila, Philippines-Nakahandang makipagtulungan sa Department of Public Works and Highways ang ilang lehitimong kontraktor sa bansa matapos ibunyag kay Secretary Manuel Bonoan ang ginagawa umanong maniobra at pandaraya sa bidding ng mga proyekto ng isang kongresista sa kanyang distrito sa Bicol region.

Sa 2-pahinang ‘open letter’ na ipinadala kay Bonoan nitong Lunes, Nobyembre 28, 2022, pumalag ang hindi nagpakilalang mga contractor sa mga pahayag ng mambabatas sa panahon ng kumpirmasyon ni Bonoan sa Commission on Appointments (CA) kung saan binatikos at inakusahan nito ang 9 na DPWH na “nanggugulo” lang sa mga bidding.

Nais din ng mambabatas na ilagay ni Bonoan sa blacklist ang nasabing grupo.

Miyembro ng CA ang kongresista ng Bicol na minsan na ring sinuspinde ng Ombudsman dahil sa katiwalian habang nakapasa naman sa CA si Bonoan sa pagdinig nito noong Nobyembre 22, 2022.

Anang grupo, ginawa ng Bicol solon ang mga bintang upang itago ang katotohanang ito ang nagmamaniobra sa public works projects sa kanyang lugar at mayroon na itong ‘taker contractors’ na una nang nagbigay sa kanya ng ‘SOP’ na 25 porsyento bago pa man masimulan ang anomang bidding.

Taliwas umano ito sa polisiya ng kanilang grupo na agarang ibaba ng katumbas na 25 porsyento ang kanilang alok pabor sa gobyerno. “Ayaw” umano ng mambabatas na manalo sila sa bidding dahil “mababawasan” ang SOP nito.

Sa laki umano ng tapyas para kay congressman, “dinadaya” na lang ng mga kontraktor ang kanilang trabaho katulad ng pagbabawas ng ‘sheet pile’ sa flood control projects.

“Kaya kapag nagkaroon ng baha, sira agad ang flood control project ng DPWH dahil sa laki ng SOP na kinukuha ni Cong.,” ayon pa sa grupo.

Dumaranas din umano sila ng iba’t ibang uri ng harassment at pagbabanta mula sa taker-contractors ng mambabatas sakaling tumanggi silang umatras na lang sa bidding. Tinatakot din umano silang “susunugin” ang kanilang heavy equipment sakali namang manalo sila at masimulan na ang proyekto.

Nagpahiwatig din ang mga sumulat kay Bonoan na kasabwat ng mambabatas ang Bids and Awards Committee ng DPWH dahil sa pahirap na dinaranas ng mga kontraktor na hindi kasama sa grupo ng mambabatas.

Bago ang bidding, nagagawa umano ng grupo ng mambabatas na basahin ang mga ‘technical at financial description’ ng sinomang bidder at agarang diskwalipikado ang mga bidding na lampas sa 2 porsyento ang ‘discount’ na ibinibigay sa pamahalaan.

Sa ilalim ng RA 9184, mahigpit ang pagbabawal ng pagbubukas ng anomang bid document bago pa masimulan ang bidding.

Sa huling bahagi ng kanilang liham, nagpahayag ang grupo kay Bonoan na bilang mga “biktima,” handa silang makipagtulungan upang maibulgar ang “iba’t ibang klase” ng SOP na kinasasangkutan ng mga mambabatas at ang aktwal na nangyayari sa bidding ng DPWH.

“Kami po ang unang nagiging saksi at nakararanas ng kalupitan sa tuwing kami ay sasali (sa bidding).

“Tuwing magkakaroon ng bidding, kami ang tunay na nabibiktima lagi,” himutok pa ng grupo. RNT